Linggo, Oktubre 26, 2008

Ano nga ba ang tamang pagpapalaki sa iyong anak?

Umuwi ang anak ko sa aming bahay na kita ko sa kanyang mata ang lungkot. Nagtataka ako samantalang kanina lamang ay masaya itong lumabas ng bahay para makipaglaro sa mga kalaro niya. Nang tanungin ko kung bakit ay tahimik lamang itong umiling. Bilang magulang alam may hindi tama sa ikinikilos ng aking anak. Masusi ko pa rin siyang tinanong at sinabi sa kanyang alam kong may dinaramdam siya.

Sinabi niya sa akin na sinaway siya ng nanay ng kanyang kalaro na huwag makipaglaro sa kanyang anak. Ang nanay na kanyang tinutukoy at ako ay may di-pagkakaunawaan. Hindi ko alam kung papaano ko ipapaliwanag sa aking anak na hindi niya kasalanan ang nangyari. Sa abot ng aking makakaya ay ipinaunawa ko sa kanya na minsan kahit na anong ganda ng ating gustong mangyari minsan di ito nangyayari dahil sa mga bagay na hindi inaasahan o dahil na rin sa mga taong nakapaligid sa atin.

Alam ko sa kabila ng aking mga paliwanag ay hindi pa rin ito sapat para maintindihan ako ng isang limang taong gulang na bata. Ngunit alam kong isa itong hakbang para sa pagtataguyod ng isang bata upang maging isang mabuting tao.

Ako bilang kanyang magulang ay may mga tanong din sa aking sarili. Ngunit di na mahalaga iyon. Ang alam ko mas madaling magturo sa pamamagitan ng mabuting halimbawa kaysa madalas na pagsasalita.